Bawat pagsinta’y paglalakbay.
Paglalayag sa malawak na dagat,
pag-akyat sa pinakatuktok ng bundok.
Sumasakay ka sa pag-asa,
kumakapit sa pananalig.
Bawat pagsinta’y paglalakbay.
Tandaan:
Huwag kaybagal at baka may hindi maabutan.
Huwag kaybilis at baka may malampasan.
Sa pagitan nitong paglalakbay,
saglit na humimpil.
Salatin ang pawisang noo,
hagurin ang napupudpod na talampakan.
Kumustahin ang sarili,
na minsa’y nakakaligtaan sa gilid ng daan.
Huwag hayaang mapagod ang puso
sa bawat paglalakbay.
Ngunit huwag,
huwag ring papigil sa pangamba
kahit ang paroroona’y hindi tiyak.
Walang huling biyahe sa mangingibig
na handang maglakbay
nang may pagsalig.
No comments:
Post a Comment